Saturday, August 18, 2007


PAMAMAALAM


Ika-siyam ng Julyo, 5:24 ng hapon. Binubulag parin ako ng mga pagkakatandang igunita ang mga sandaling yaon. Ang lamig ng hanging nagpapahina sa aking mga tuhod,ang malamyang ingay ng mga nagdadaanang trisikel at ang dalampasigan ng malawak na kankungan na kung saan nang araw ding yon, ang pinakahuling paghaharap namin ay nangyari.
Masakit sa akin ang sabihin sa kanya na iyon na ang huli naming pagkikita. Ngunit sa paghulma ng ngiti sa kanyang mga labi at mga matang nagsasabing, "masaya ako sa iyong pagkalaya.", madali kong nailabas ang lahat ng pasakit, kasabay ng pagbuga sa hanging malalim kong hininga. Natanggap niya kaagad bago ko man sabihin. Sa mahigit sa isang dekada naming magkaramay, bakit naging ganoon lang kadali sa kanya ang lahat? Hindi ko naman siya masisisi, hindi iyon masayang pagsasama.
Siya kasi ang aking takbuhan sa tuwing ako'y nasasaktan at kailangan ko ng karamay. Gagamutin niya ang aking damdamin sa isang sulok ng aming bodega. Kasama ng mga aparador, sirang antigong kama at mga gusgusing sapatos, pinapakinggan niya ang pagbubulalas ko ng kung hindi inis at galit ay ang mga tangkang paghihiganti. Sasabihin niyang kakalimutan ko nalang ang lahat sabay pagpiga sa akin ng kanyang mga yakap na pilit kong dinarama ngunit lamig ang siyang humahaplos sa aking katawan.
Siya kasi ang tagasalo ng mga luha sa aking mga mata sa tuwing maglalabas ako ng mga nakakahilo at makasariling sentimiento. Magbibigay siya ng mga payong nagpapagaan sa aking buong katawan, kasabay ng paghaplos ng kanyang mga palad at pagpahid ng kanyang mga hinlalaki sa kaawa-awa kong mukha.
Siya kasi ang nag-iisa kong karamay, kaibigan at pamilya. Naulila man ako ng mundo, naroon siya para saluin ako. Ang pagmamahal niya ay kasing init ng araw, ngunit ang kanyang mga yakap ay kasing lamig ng gabi. Ang aming puso'y pinag-isa ng pang-aapi at pasakit ng mundong makasarili.
Subalit, nakaraan na iyon. Nagbago na ang lahat. Namulat na ako sa mapagmahal na daigdig, sa tunay na buhay. Nagpupunyagi na ang aking puso sa pagmamahal na aking tinatamasa.
Kasabay ng paglubog ng araw sa dulo ng dalampasigang kangkungan, nagpaalam na ako sa kanya. Pilit ko siyang tinatanaw sa nasasalaming tubig, ngunit habang tumatagal, ang repleksiyon niya'y lumalaho, kasabay ng paglitaw ng sarili kong imahe.
Ngayon, alaala nalang sa malalim naming pinagsamahan ang paminsan-minsa'y bibisita sa aking gunitain. Kahit siya at ako ay iisa, siya ay naglaho na at di na babalik pa.

No comments: